PEP:
Ngayong araw na ito, September 3, ay ise-celebrate ng mga magulang ng tween star na si Jhake Vargas ang kanilang ika-50th wedding anniversary. At dahil Golden wedding anniversary ito, nagtulung-tulong ang mga kapatid ni Jhake para matupad ang kahilingan ng kanilang magulang na magkaroon ng renewal of vows sa mismong araw na ito.
Kuwento ni Jhake sa amin sa taping ng Walang Tulugan With The Master Showman kahapon ng gabi sa Studio 6 ng GMA Network Annex Studio, na sa bahay lang daw nila sa Olongapo City gagawin ang muling pagpapakasal ng kanilang magulang na sila Miguel at Margarita Vargas. Nag-usap raw silang siyam na magkakapatid kung ano ang magiging papel nila sa importanteng petsa na iyon para sa kanilang magulang.
"Wish nila mama at papa itong ikasal sila ulit. Since 50 years na silang magkasama bilang mag-asawa, siguro naman daw ay sapat na katibayan iyon ng kanilang pagmamahalan sa isa't isa," ang sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
"Kaya kaming magkakapatid, kami na nag-ayos ng magiging kasalan nila sa bahay. Since napaayos na namin ang bahay at hindi naman puwedeng maibiyahe si mama sa kunsaan dahil sa kondisyon niya, naisip namin sa bahay na lang.
"Kumuha na lang kami ng pari para ikasal sila ulit. Doon na namin papapuntahin ang ibang kamag-anak namin na manggagaling pang Batangas at dito sa Manila. Gusto naming maging special ito para kina mama at papa," ngiti pa ni Jhake.
Pagdating sa gastos ay wala raw problema kay Jhake. Siya raw kasi ang nasa Manila at ang mga kapatid niya ang nag-aasikaso ng family event nila sa Olongapo City. Pinapadala na lang daw ni Jhake ang kinakailangan na panggastos dahil abala rin siya sa kanyang trabaho. Bukod kasi sa taping ng Reel Love Presents Tween Hearts ay meron din siyang taping for Pahiram Ng Isang Ina.
Pero sa araw na ito ay hindi muna tumanggap ng anumang trabaho si Jhake dahil gusto niyang nasa Olongapo City na siya para sa affair ng kanilang pamilya.
"Tinatawagan na lang nila ako para sabihin na ganito ang kailangan na amount para sa kung ano ang kailangan. Pinapadala ko na lang kasi hindi ako personally na makatulong sa kanila sa bahay dahil sa trabaho.
"Nakikibalita na lang ako sa mga kuya at ate ko. Nalaman ko na purple and white ang gustong motif nila mama at papa. Simple lang naman ang gagawing renewal of vows nila, pero gusto namin na busog ang mga darating na bisita namin. Pinaasikaso ko na rin ang catering para masarap ang handa sa okasyon ng magulang namin," ang sabi niya.
CONTINUE READING FROM ORIGINAL [SOURCE]
Information Courtesy of PEP / Ruel J. Mendoza