FROM KAPAMILYA TO KAPUSO. Sa loob ng nagdaang tatlong taon ay naging bahagi na si AJ ng GMA-7, kung saan naging mainstay siya ng sitcom na Show Me Da Manny, topbilled by Manny Pacquiao and Marian Rivera.
Pero ang unang teleserye na tinampukan niya bilang isa sa major support cast ay ang Amaya, na kasalukuyang ini-ere ng istasyon.
"For two years yata yung sitcom ang ginagawa ko," sabi ni AJ.
Masaya siya sa pagkakaroon ng regular teleserye sa Kapuso network.
"Iba pa rin kasi pag may soap ka, yun ang bread-and-butter namin.
"E, ang sitcom, once a week lang [ang tapings], e."
Sa ABS-CBN, naging tampok si AJ sa ilan ding drama series nitong nakaraang dekada. Kabilang dito ang mga seryeng Vietnam Rose, Rounin, Palos, at Eva Fonda.
Gumawa na rin si AJ ng pelikula sa Star Cinema, tulad ng You Got Me (2006) at When Love Begins (2007).
Under GMA Films, naging suporta si AJ sa romance-comedy movie You To Me Are Everything (2010).
Ang paglipat ni AJ mula Kapamilya to Kapuso network ay hindi naman sanhi ng anumang issue.
Ipinagpapasalamat pa rin ng character actor ang maganda niyang breaks na natamo sa Dos, matapos siyang mahirang na isa sa TV Idols sa defunct noontime show na Magandang Tanghali Bayan.
Simple lang ang pagtukoy ni AJ sa dahilan ng kanyang pag-transfer.
"May time kasi na parang bakante... Tuwing bakante, naghahanap ako ng manager.
"Nabibigyan naman ako ng bago, pero nade-delay [ang projects].
"This time around, nagkausap kami ni Popoy [Caritativo, his new manager], okey naman yung kinalabasan," wika rin ni AJ.
PERSONAL ISSUES. Naging kontrobersiyal din ang pangalan ni AJ, lalo't manaka-naka'y nababanggit ito kaugnay ng mga isyung personal that he would rather not talk about.
Inamin niyang mayroon siyang non-showbiz girlfriend sa kasalukuyan. Pero wala siyang anumang pag-amin sa pagkaka-link niya kaninuman—female or gay.
"Ako naman kasi, kung may isyu sa akin, may sinasabing ganito ako, na may relasyon, ganyan-ganyan... hindi ko naman hinihinto 'yon [usap-usapan] dahil alam ko wala naman."
Kung mayroon man daw siyang "idini-date," pahayag din ni AJ, "Sabi ko, kahit anong gusto n'yo, kunan n'yo kami, sundan n'yo kami para malaman n'yo talaga kung meron talaga.
"E, pag alam ko namang wala akong ginagawang mali..."
Umiinit ba ang ulo ni AJ sa mga pagkakaulat sa kanya na hindi totoo?
"May time nung simula siyempre," sabi niya.
"Imposible namang hindi mo malaman, kasi ipapaalam pa rin talaga, e.
"Yung ibang writers, may idinadagdag o binabawas [sa statements ko] kaya mahirap.
"Pero alam mo naman dito [sa showbiz], sanayan lang, e."
Nang-away na ba siya o nagdemanda ng libel sa isang showbiz reporter?
"Ay, wala. Hindi na lang..." sambit niya.
ENCHONG DEE. Christened Angel James Dee, AJ just celebrated his 29th birthday last July 27.
His dad is connected with United Laboratories, Inc., while his mom had businesses in Naga City.
"Binitawan na ng mom ko ang businesses niya nang lumipat kami [sa Manila]," sabi pa ni AJ.
Bicolano ang mother ni AJ, na panganay sa apat na magkakapatid; kabilang ang young actor na si Enchong (Ernest Lorenzo).
Tulad ni AJ, nakilalang mahusay na swimmer si Enchong bago nagkaroon ng career sa show business.
Ang dalawa pa nilang kapatid ay sina Isiah Joseph at Maria Angelica.
Kumusta sila ni Enchong, who's certified Kapamilya talent?
"Bihira kaming magkita, e. Kakabalik ko rin lang ng bahay," sabi ni AJ.
Otherwise, walang problema ang samahan nilang magkapatid.
"Lagi nga akong tinatanong kung nai-insecure daw ako kay Enchong.
"Paano naman ako mai-insecure, e, kapatid ko 'yon?" wika ni AJ.
Sa apat na magkakapatid ay wala pang nag-aasawa. O maaaring si AJ din ang mauna?
"Malapit na..." sabi ni AJ na nangingiti, na parang nagbibiro lang.
Information Courtesy of PEP / William R. Reyes